Opisyal nang pinasinayaan ni Bishop Junie Maralit ang pagdiriwang ng Hubileyo ng Pag-Asa sa Diyosesis ng San Pablo hapon ng Enero 6, 2025.
Nag-umpisa ang gawain sa Pagdiriwang ng Salita ng Diyos at pagbabasa ng ilang talata mula sa "Spes non confundit," ang Liham ng Santo Papa Francisco na nagpahayag ng Hubileyo. Sinundan ito ng prusisyon patungong Katedral na pinangunahan ng Krus Pang-Hubileyo at mga kinatawan mula sa mga Simbahang Pang-Hubileyo taglay ang kanilang Estandarte. Sa Banal na Misa naman ay sinariwa ng lahat ang Binyag sa pamamagitan ng pagwiwisik ng Banal na Tubig.
Sa kanyang homiliya, ipinaliwanag ng Obispo ang kagandahan ng pag-asa sa buhay ng bawat mananampalataya, lalo't-higit para sa mga Pilipino na kilala sa pagiging positibo sa buhay at sa matinding pagkapit sa Diyos. Isa-isa rin niyang binanggit ang mga gampanin ng bawat Simbahang Pang-Hubileyo bilang tagapanguna sa pagpapamalas ng awa at pagkalinga ng Diyos sa mga mananampalataya, lalo't-higit sa pamamagitan ng Kumpisal at Banal na Misa.
Natapos ang pagdiriwang sa pag-awit ng "Te Deum" bilang pagpupuri at pasasalamat sa biyaya ng Hubileyo, at sa pagpapahayag ng listahan ng dalawampung Simbahan na itinalaga bilang pook-peregrinasyon sa diyosesis.
Hinihikayat ang lahat na gamitin ang pagkakataon na ito ng Hubileyo upang maranasan ang dakilang pag-ibig ng Diyos at makamit ang biyaya ng Indulhensya Plenarya sa pagdalaw sa dalawampung Simbahang pang-Hubileyo. Maaaring bumili ng "Jubilee Kit" mula sa mga Simbahang pang-Hubileyo upang magabayan sa isang makabuluhang pagdalaw at panalangin. Kapag nabuo ang pagdalaw sa dalawampung Simbahan ay maaaring magkamit ang isang mananampalataya ng Sertipiko mula sa Obispo.