Pasisinayaan sa Diyosesis ng San Pablo ang pagdiriwang ng Hubileyo ng Pag-Asa sa Enero 6, 2025, Lunes, ika-4 ng hapon sa Lungsod ng San Pablo. Mag-uumpisa ito sa "Pilgrimage of Hope" mula sa Sacred Heart Chapel ng San Pablo Colleges hanggang Katedral ng San Pablo kung saan naman ipagdiriwang ang Banal na Misa. Sa araw ring ito gaganapin ang unang opisyal na pagtitipon ng kaparian kasama ang Obispo Marcelino Antonio Maralit, Jr. Mayroon namang ilalabas na "Jubilee Kit" ang Diocesan Liturgical Commission para sa mga mananampalataya sa halagang 300 Piso. Naglalaman ito ng Aklat-Dasalan, Pilgrim's Card, Krus, Agua Bendita, at Kandila.
Ipinagdiriwang ng Simbahan Katolika ang hubileyo tuwing ika-25 taon. Ang huling pagdiriwang nito, ang Hubileyo ng Awa noong 2015, ay isang natatanging pagdiriwang na ipinatawag ni Papa Francisco. Ganap nang sinumulan sa buong Simbahang Katolika ang Hubileyo ng Pag-Asa 2025 sa pagbubukas ni Papa Francisco ng Banal na Pintuan sa St. Peter's Basilica noong gabi ng Disyembre 24, 2024 na sinundan naman ng pagbubukas ng Banal na Pintuan sa isang piitan sa Lungsod ng Roma.