Bilang paggunita sa ika 1,985 taong anibersaryo ng Pagdating ng Mahal na Birhen sa Zaragoza, ipinagdiwang ng mga deboto sa Our Lady of the Pillar Parish ang Fiestang Venida sa Karangalan ng Nuestra Señora Del Pilar nitong ikalawa ng Enero 2025.
Ayon sa Tradisyong Pilarista sa Zaragoza, madaling araw ng Enero 2, 40 AD, ang Mahal na Birhenay dumalaw sa Zaragoza upang panibaguhin ang sigagsig at pag-asa ni Apostol Santiago Mayor sa kanyang pagmimisyon.
Ang Venida, sa wikang Español, ay nangangahulugang "pagdating". Bukod-tangi ang kasaysayan ng Mahal na Birhen ng Pilar sapagkat nangyari ang mga ito samantalang naninirahan pa sa mundo ang Mahal na Birhen, bago ang maluwalhating pag-aakyat sa kanya sa langit.
Sa kanyang Homiliya, pinaalalahanan ni Mons. James Contreras, Kura Paroko, ang mga dumalo ng pagdiriwang na dapat ang debosyon sa Mahal na Birhen ay makatulong para makatulad sa mga katangian ng Mahal na Birhen. Bago matapos ang Santa Misa ay binasbasan din ang mga imahen ng Birhen ng Pilar na dinala ng mga deboto.
Ang Fiestang Venida ay taon-taong ipinagdiriwang sa Zaragoza. Sinimulan itong ipagdiwang sa Parokya nga Alaminos, noong 2015 bilang bahagi ng mga gawaing kaugnay ng pagdiriwang ng ika-200 taong ng Parokya.
Noong nakaraang Oktubre 12, pormal na ipinahayag ang ugnayan ng Our Lady of the Pillar Parish sa Catedral-Basilica ng Nuestra Sra. Del Pilar sa Zaragoza, Espanya. Dahil dito, ayon kay Mons. Contreras, ang Alaminos ay tila naging isang “Munting Zaragoza” at ang mga nagdadasal at nagpeperegrino rito ay para na ring nakaabot doon. “Ito ang tanging Simbahan sa Laguna, at maaaring sa buong Pilipinas, na may ganitong ugnayan sa Catedral-Basilica ng Zaragoza”, dagdag ni Mons. Contreras.