ALAMINOS, LAGUNA - Pormal nang ipinahayag ang Ugnayan ng Pagkakapatid sa pagitan ng Our Lady of the Pillar Parish ng Alaminos, Laguna, at ng Catedral-Basilica ng Nuestra Sra. Del Pilar sa Zaragoza, Espanya, ang Simbahan na pinabanal ng pagdalaw ng Mahal na Birhen noong 40 A.D.
Naganap ito sa loob ng Misa Mayor ng Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Pilar na pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Bernardino C. Cortez - Obispo ng Prelatura ng Infanta. Nagsimula ito sa pagbasa ng “Carta de Hermandad” o Liham ng Pagkakapatid mula sa Zaragoza. Dito ay kinilala ang debosyon ng Katolikong Pamayanan ng Alaminos, Laguna at ipinagkaloob sa mga debotong bahagi ng Cofradia ang lahat ng mga indulhensiya, pribilehiyo, mga pagtatangi, at ang biyaya ng mga pananalangin na patuloy na ginagawa sa Zaragoza.
Tampok na gawain ang paglalagay ng ipinagkaloob na orihinal na manto ng Birhen ng Zaragoza sa Birhen na pinipintuho sa Alaminos at ang paglalagay ng isang aureola na iwinangis sa ginagamit ng Birhen sa Zaragoza. Ang gawaing ito ay pinamunuan ni Mons. James A. Contreras, ang Kura Paroko, kasama ang mga kinatawan ng mga deboto ng Mahal na Birhen at ng mga Hermanos y Hermanas 2024.
“Dahil dito, ang Simbahan ng Alaminos ay tila naging isang “Munting Zaragoza” at ang mga nagdarasal at nagpeperegrino rito ay para na ring nakaabot doon. Ito ang tanging Simbahan sa Laguna, at maaring sa buong Pilipinas, na may ganitong ugnayan sa Catedral-Basilica ng Zaragoza”, paliwanag ni Mons. Contreras.
Nagpaabot din ng mensahe Ang Lubhang Kagalang-galang Charles Brown, ang Nuncio Apostolico sa Pilipinas. “May your veneration of the image of Our Lady, adorned with an original mantle from the Basilica de Nuestra Señora Del Pilar de Zaragoza in Spain, bring upon you the choicest blessings from heaven through the intercession of the Mother of God”, ang pagbati ng Nuncio.
Noong Mayo 2023, bilang bahagi ng isang peregrinasyon, ay dumalaw ang ating Kura Paroko, Mons. James A. Contreras sa Zaragoza, Espanya, dala ang mga liham ng Obispo Emerito Buenaventura M. Famadico at ang liham na nilagdaan ng mga deboto ng Mahal na Birhen sa Alaminos. Taglay nito ang isang kahilingan na magkaroon ng isang ugnayan sa pagitan ng Catedral-Basilica at ng Simbahan ng Alaminos.
Ang liham na ito ay tinanggap ni P. Joaquín Aguilar Balaguer, and Deán-Presidente ng Cabildo Metropolitano de Zaragoza. Pinag-aralan ng Cabildo ang kahilingan at noong Hunyo 20, 2024 ay ipinagbigay-alam sa Alaminos ni P. Daniel Granada Cañada, Secretario Capitular ng Cabildo, na sa kanilang Sesión Ordinaria noong Mayo ay ipinagkakaloob sa Simbahan ng Alaminos ang hinihiling na ugnayan.
Noong Setyembre 22, 2024, tinanggap ni Mons. Contreras doon ang nabanggit na orihinal na manto at ang Liham ng Pagkakapatid (Carta de Hermandad). Kasama niya si Padre Park O. Ebones at ang ilang mga taga-Alaminos na karamihan ay naninirahan sa iba’t-ibang bahagi ng Espanya. Pagkatapos ay ipinagdiwang nila ang Santa Misa sa Altar ng Santa Capilla, ang lugar na pinakamalapit sa imahen ng Mahal na Birhen at sa kanyang orihinal na Pilar.
Ang pormal na pagpapahayag ay ang tampok na bahagi ng Fiesta Del Pilar ngayong taon na nagsimula noong Oktubre 3.
Ang araw ng Dakilang Kapistahan nitong Oktubre 12 ay sinimulan sa pagdiriwang ng Santa Misa sa ganap na ika-anim at kalahati nang umaga sa pamumuno ni Reb. P. Ricardo De Luna, JCL, Kura Paroko ng San Roque Parish. Sinundan ito ng Misa Mayor sa ganap na ikasiyam ng umaga. Sa hapin naman ay muling ipinagdiwang ang Santa Misa sa pamumuno ni Rev. Fr. Park O. Ebones, ang Parochial Vicar ng Parokya. Ang Obispo Emerito Leo M. Drona, SDB naman ang nanguna sa Huling Misa samantalang si Reb. P. Conrado Rodriguez naman ang nagbigay ng homiliya.
Pagkatapos nito ay ginanap ang tradisyunal na Prusisyon sa Karangalan ng Mahal na Birhen kasama ang mga Santo-Patron ng mga barangay at BECs ng Alaminos.