Ginanap noong ika-20 ng Enero 2024, sa Lyceum of the Philippines - Laguna, sa Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna, ang 20th Diocesan Bible Convention ng Diocesan Commission on Biblical Apostolate (DCBA), na may temang "God’s Word: Breath of New Life". Dinaluhan ito ng humigit kumulang 800 na mananapalataya mula sa iba’t-ibang parokya ng diyosesis. Ang convention ay bunga ng pagtutulungan ng DCBA at ng Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko (DPKK).
Nagbigay ng kanyang video message ang Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert Vergara, DD, Tagapangasiwang Apostoliko ng diyosesis, kung saan binigyang-diin niya ang pagkakatulad ng paghinga ng Diyos sa Simbahan at Biblia. Kung kaya’t pareho silang buhay at nagbibigay-buhay. Sa panayam ni Bro. Rey Sotelo, tagapamuno ng DPKK, binanggit niya ang kahalagahan ng Salita ng Diyos sa buhay ng Basic Ecclesial Communities. Inilahad naman ni Fr. Eugene Fadul, Director ng DCBA, ang ulat ng kanyang pagdalaw sa mga vicariato ng diyosesis.
Sa huli, bilang pagsunod sa panuto ng Episcopal Commission on Biblical Apostolate (ECBA), ipinahayag na ang bawat kabahagi sa gawain ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ay tatawaging “Bible Apostles.”