DOCTRINA CHRISTIANA:

ANG PANANAMPALATAYANG KATOLIKO



ANG MGA PINAGMUMULAN NG PANANAMPALATAYA

Ang Simbahang Katolika ay itinatag ng Panginoong Hesukristo sa pangunguna ni San Pedro, ang unang Santo Papa: “…ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatatag ko ang aking simbahan…” (Mateo 16:18). Hindi kailanman nawala o nabuwag ang Simbahang ito sapagkat ito ay ginagabayan ng Espiritu ng Katotohanan (Juan 14:1617). Ito ay simbahang Kristiyano sapagkat ang mga kaanib nito ay mga tagasunod ng Panginoong Hesukristo. Kaya nga ang mga kaanib nito ay maaari ding tawaging Katoliko-Kristiyano.

Itinatag ang Simbahan upang maging tagagabay ng mga tao tungo sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita at pagkakaloob ng mga grasya na nagdudulot ng kaligtasan. Ang Simbahan ang intrumento ng Diyos para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Higit sa lahat, ang Simbahan ay ang lahat ng bumubuo nito.

Ang pinagmumulan ng pananampalataya na ating pinaninindigan at pinaniniwalaan ay tinatawag na revelation. Ito ay ang mismong pagpapakilala/pagbubunyag ng Diyos ng kanyang sarili sa atin. Ang pagpapahayag na ito ay maaari nating malaman sa pamamagitan ng Banal na Tradisyon at Banal na Kasulatan. Sinabi ni San Pablo: “magpakatatag kayo sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, batay sa sinabi at isinulat namin (2 Tessalonica 2:15). Si Hesukristo ang kabuuan ng pagpapahayag ng Diyos, dahil siya ang Diyos na sumasaatin (bas. Juan 1:14). Sa pamamagitan ni Hesus ay nakilala at nakita natin ang Diyos.

Banal na Tradisyon (Sacred Tradition). Ito ang naglalaman ng mga katuruan ng Diyos na hindi nakasulat sa Bibliya ngunit itinuro at ipinása mula pa sa mga Apostol hanggang sa kasalukuyang panahon sa pamamagitan ng mga pinuno ng Simbahan. Bago pa man naisulat at nabuo ang Bibliya ay itinuturo na ang pananampalataya sa pamamagitan ng pananalita at pagpapahayag. Si Hesus mismo ay nangaral sa pamamagitan ng kanyang salita at gawa.

Marami ang may nagmamay-ari ng Bibliya, ang iba pa nga ay may labis pa sa isang kopya. Pero kalimitan ay hindi ito binabasa kun‟di nakatabi lamang at inaasahan na magbibigay proteksyon, seguridad at ligaya sa may-ari nito. Hindi rin gaanong nauunawaan ang nilalaman nito kaya hindi rin naisasabuhay. Pero sa lahat ng sumasampalataya, ang Bibliya ay nagiging mabisa sa kanilang buhay (bas. 1 Tesalonica 2:13). Para saan ang Banal na Kasulatan? Ito ay “nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtama sa maling katuruan, sa pagtuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay” (2 Timoteo 3:16).



PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA(KREDO)

Ang Kredo ang buod (summary) ng pagpapahayag ng pananampalataya na dapat paniwalaan ng lahat ng binyagan. Ang Kredo ng mga Apostol at Kredo ng Niceo-Constantinople ang siyang opisyal na ginagamit ng Simbahan.



Ang Sumasampalataya

Sumasampalataya ako sa Diyos
Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya naman ako kay Hesukristong iisang anak ng Diyos,
Panginoon nating lahat; nagkatawang-tao sya lalang ng
Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni
Poncio Pilato, ipanako sa krus, namatay inilibing. Nanaog sa
kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw
nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit,
naluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Doon magmumulang paririto‟t huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa Banal na Simbahang
Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan,
Sa pagkabuhay na mag-uli ng nangamatay na tao
At sa buhay na walang hanggan. Amen.